Paano Maging Wais sa Inyong Gastusin sa Panahon ng COVID-19

Dala ng panahon ng krisis ang napakarami at napakalaking mga pagbabago, lalo na sa aspetong pinansiyal. Maraming negosyo ang kinailangang magsara at ang ibang essential businesses naman ay nahihirapan kumita dahil sa kakulangan ng mamimili. Para sa mga employado, may ilang mga napapailalim sa “no work, no pay” policy at ang iba naman ay tuluyan nang nawalan ng trabaho.

Kaya naman sa mga panahong ito, napaka-importante na maging wais sa pera. Ang tamang budgeting ay makatutulong sa ating finances sa gitna ng COVID-19 pandemic at hanggang sa paglipas nito. Basahin ang aming mga tips sa baba para sa mabuting pag-manage ng inyong pera:

Magbayad ng bills 

Dahil sa extension ng bill payments na ipinapatupad ng Bayanihan to Heal as One Act, maaari mong bayaran ang bills mo pagkatapos ng Enhanced Community Quarantine. Pero mabuting unti-unting magbayad nang maaga, para hindi ito maipon lahat.

  1. Ilista ang lahat ng kailangang bayaran: Kuryente, Tubig, Renta, Credit Card, Loans, at iba pa.
  2. Aralin ang interest rates at penalties. Hanggang kailan lang ba ang due date extensions nila? Tandaan na ayon sa Bayanihan Act, bawal ang penalties at late fees sa loob ng ECQ period, pero tuloy ang interest sa inyong balance.
  3. Piliin ang mga babayaran. Una sa lahat, bigyang importansiya ang mga essentials tulad ng tubig, na kailangan para maglinis at maka-iwas sa sakit. Huwag din kalimutan ang inyong loans, dahil ang mataas na credit score ay makatutulong kung sakaling kailanganin ninyo ulit ng extra cash. Isunod dito ang mga bills na may mataas na interest rate.

Mag-budget nang mabuti 

Kahit na nabawasan ang mga gastusin natin sa transportasyon at pagpapasyal kasama ng mga pamilya at kaibigan, may mga iba’t-ibang dagdag na gastos din ang pananatili sa bahay.

Suriin nang mabuti ang inyong mga ginagamit sa bahay: Kailangan ba talagang gamitin ang aircon nang matagal? Matipid ba kayo sa pagkonsumo ng tubig? Importante ba talaga ang mga online subscriptions na binabayaran mo?

Get government assistance  

Maraming programang isinagawa ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para makatulong sa mga mamamayan ngayon. Alamin ang mga programa ng SSS, DOLE, DSWD, at ng inyong LGU, at kung ikaw ay kwalipikado para makatanggap ng ayuda.

Mag-plano para sa kakaharapin 

Ang emergency savings ay iniipon para sa mga ganitong klase ng krisis. Kung wala ka nito bago ang COVID-19 pandemic, ito na ang panahon para magsimula. Kung ikaw ay nakakapag-tipid dahil sa hindi paglabas o kung ikaw ay may regular income pa rin, hangga’t sa maaari ay magtabi na ng pera para sa inyong emergency fund. Nang sa gayon ay sa susunod na may hindi inaasahang pangyayari na muling makakaapekto sa ating kalagayang pinansyal, mayroon kang handang naipon para pang-gastos sa araw-araw.